|
Mar 11, 2006 mga tanong na walang kasagutan paano ang simula... dala siguro ito ng pms pero heto ako ngayon at nag-iisip. pauli-ulit na kumikintil sa utak ko ang mga bagay na pinipilit kong kalimutan. mga responsibilidad na tinatakasan at damdaming kinukuwestiyon. makasarili ako. alam ko yon. hindi ko alam kung paano sisimulan ang mga bagay na dapat ay noon ko pa ginawa. hindi ko alam kung paano tatapusin ang mga desisyong baluktot kung iisipin. ang hirap naman ng ganito. nangungulila ako sa anak ko at sa ama kong nasa pilipinas. lagi na lamang silang nasa panaginip ko. kinukurot ang puso ko, ginigising ang natutulog kong pagkatao. ano na nga ba ang kahihinatnan ng mga desisyong akala ko ay makapagpapasaya sa akin. ang pinili kong daan para makalimot and daasn na akala ko ay makapagaahon sa akin sa malalim na pagkakalugmok sa putik ng pagkakamali. hindi ko alam... ano nga ba ang talagang gusto ko? ano ang binubulong ng aking pagkatao? prayoridad na hindi ko malaman kung saan uumpisahan. nais ko lang magkaroon ng sarili kogn pamilya. yung matatawag kong akin. hindi yung parati na lang akong nakikihati sa pamilya ng iba o di kaya naman ay nagpipilit na gumawa ng akin kahit hindi maaring mangyari. nanaginip ako lagi ng gising. pinakikiramdaman ang bawat kilos, ang bawat hininga ng aking pagkamuhi sa isang pangarap na hindi makamtam. akala ko ay abot kamay ngunit di naman pala masukat ang kawalang hanggan nito. naninikluhod ako sa sinumang nakikinig. sa sinumang nakakaalam. sa sinumang nakakaramdam. bigyan nawa ako ng katahimikan, siguradong daan sa kaligayahan at katiwasayan ng buhay. hindi lamang sa sarili ko kundi para na rin sa isang munting tinig na hindi ko marinig. nahihirapan akong huminga. animo'y kinukulang ang hangin na bumubuhay sa aking mga pangarap at pagkatao. |